top of page
classic-world-map_wm01192.jpg

WELCOME TO FACT ON TRACK

Home: Welcome
Home: Blog2
Search

The Philippine Senate

  • Writer: Ferrer MV
    Ferrer MV
  • May 12, 2019
  • 4 min read

Bukas, pipili tayo ng 12 kandidato na ating iluluklok bilang mga senador ng Republika ng Pilipinas. Kailangan natin ng matinding pagkilatis at tamang pagpili ng ating kandidato.

Pero sino nga ba ang mga senador?

Sila ang bumubuo sa Mataas na Kapulungan ng ating lehislatura (kung ang Mababang Kapulungan ay binubuo ng mga kinatawan mula sa iba't ibang distrito ng Pilipinas at mga party-list groups). Ang Mataas na Kapulungan, na mas kilala bilang Senado, ay binubuo ng 24 na senador, kung saan 12 ang inihahalal kada tatlong taon. Ang Senado ay pinamumunuan ng Pangulo ng Senado. Kung sakaling bumaba sa pwesto ang Pangulo ng Senado, ang "Senate President Pro-Tempore" ang siyang hahalili sa iniwang pwesto, hanggang sa magbukas ang panibagong sesyon o Kongreso.

Ang mga senador ay nahahati sa dalawang grupo: ang Majority bloc at ang Minority bloc. Ang Majority bloc ay binubuo ng mga senador na pumabor sa pagkakahalal sa nakaupong Pangulo ng Senado. Ang naluklok na Pangulo ng Senado ay mamimili mula sa mga bubuo ng Mayorya ng mamumuno dito. Ang Minority bloc naman ay binubuo ng mga senador na pumabor naman sa natalo nilang kasamahan na kanilang ininomina upang maging Pangulo ng Senado, na siyang otomatikong mamumuno ng Minorya.

Sino-sino nga ba ang mga pwedeng kumandidatong senador?

Ayon sa Article VI, Section 3 ng Saligang Batas ng 1987, ito ang mga kailangan upang kumandidato bilang senador:

1. Ang isang kandidato ay dapat nasa 35 taong gulang pataas;

2. Marunong magbasa at magsulat;

3. Rehistradong botante, at;

4. Nakatira sa Pilipinas sa loob ng hindi bababa sa 2 taon.

Gaano katagal sa pwesto ang isang senador?

Ang isang senador ay manunungkulan sa loob ng 6 na taon at pwedeng manungkulan ng hanggang 2 termino lamang.

Tuwing kailan ginaganap ang halalan para sa mga senador?

Dalawang beses nagaganap ang halalan para sa mga senador. Ang isa ay sa tuwing halalan para sa magiging Pangulo at Pangalawang Pangulo ng Pilipinas (na ginaganap kada 6 na taon), kung saan kasama rin sa mga iluluklok ang mga senador. Tatlong taon mula nang mahalal ang Pangulo at Pagalawang Pangulo, doon naman magaganap ang halalan para sa mga senador (na ginaganap rin tuwing 6 na taon). At sa sususnod naman na tatlong taon magaganap muli ang halalan para sa Pangulo at Pangalawang Pangulo.

Ganito kung hindi ninyo naiintindihan ang siklo ng halalan sa Pilipinas at ang mga naging resulta nito (hanggang 2016). Simulan natin sa taong 1992 at isasaklaw natin ito sa loob ng 30 taon:

1992 Presidential Elections PRESIDENT: Fidel Ramos VICE PRESIDENT: Joseph Estrada TOP-SEEDED SENATOR: Vicente Sotto III

1995 Senatorial Elections TOP-SEEDED SENATOR: Gloria Macapagal-Arroyo

1998 Presidential Elections PRESIDENT: Joseph Estrada VICE PRESIDENT: Gloria Macapagal-Arroyo TOP-SEEDED SENATOR: Loren Legarda

2001 Senatorial Elections TOP-SEEDED SENATOR: Noli De Castro

2004 Presidential Elections PRESIDENT: Gloria Macapagal-Arroyo VICE PRESIDENT: Noli De Castro TOP-SEEDED SENATOR: Mar Roxas

2007 Senatorial Elections TOP-SEEDED SENATOR: Loren Legarda

2010 Presidential Elections PRESIDENT: Benigno Aquino III VICE PRESIDENT: Jejomar Binay TOP-SEEDED SENATOR: Bong Revilla

2013 Senatorial Elections TOP-SEEDED SENATOR: Grace Poe

2016 Presidential Elections PRESIDENT: Rodrigo Duterte VICE PRESIDENT: Leni Robredo TOP-SEEDED SENATOR: Franklin Drilon

2019 Senatorial Elections

2022 Presidential Elections

Ano-ano nga ba ang mga gawain ng mga senador?

Maliban sa paggawa ng mga batas, ito ang iba pa sa mga gawain ng mga senador:

1. Sila ang magpapatibay sa mga kasunduang pinasok ng Pilipinas sa ibang bansa;

2. Binubusisi ang mga nagaganap na anomalya at inuusisa ang mga taong sangkot sa ganoong uri ng gawain sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga pagdinig "in aid of legislation";

3. Sila ang magsisilbing "impeachment court" kung saan nililitis ang mga pinakamatataas na opisyal ng pamahalaan (Pangulo, Pangalawang Pangulo, Punong Mahistrado, Ombudsman, at mga kasapi ng Komisyong Konstitusyonal) at may kapangyarihang patalsikin ang mga ito;

4. Kasama nila ang Kamara De Representantes sa:

a. Mga pagdinig ukol sa magiging badyet ng pamahalaan sa susunod na taon;

b. Mga bumubuo ng Komisyon sa Pagtatalaga (Commission on Appointments) kung saan inaaprubahan o tinututulan nila ang pagtatalaga sa isang opisyal ng pamahalaan katulad ng mga kalihim sa gabinete at mga embahador ng Pilipinas sa ibang bansa;

c. Pagdedeklara ng digmaan;

d. Pagsang-ayon sa paggawad ng amnestiya ng ipinagkaloob ng Pangulo;

e. Pagpapalawig o pagpapawalang-bisa sa batas militar (martial law).


Ang kasaysayan ng Senado


Itinatag ang Senado sa bisa ng Batas Jones na isinabatas noong ika-16 ng Oktubre, 1916. Mula noon ay sa Old Congress Building (ngayo'y National Museum) sa lungsod ng Maynila ginaganap ang bawat pagpupulong. Ngunit nang mawasak ang gusali noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pansamantala silang nagpupulong sa Manila City Hall, na bahagyang namang nawasak ng digmaan. Muli silang bumalik sa Old Congress Building noong 1950 hanggang sa mabuwag ang Kongreso ng noo'y Pangulong Ferdinand Marcos noong 1972, at itatag ang Batasang Pambansa noong 1978. Muling nagpatuloy ang Senado noong 1987, at lumpiat sila sa GSIS Building sa lungsod ng Pasay noong 1997, kung saan ginaganap ang mga pagpupulong hanggang ngayon. Sa taong 2022 inaasahang magsisimula ang pagtatayo ng bago at sariling gusali ng Senado sa Bonifacio Global City sa lungsod ng Taguig.

Ang unang halalan sa pagka-senador ay naganap noong 1916 sa ilalim ng Batas Jones. Huli itong naganap noong 1934, kung saan sa susunod na taon ay ibabalangkas ang Saligang Batas ng 1935.

Ang kauna-unahang halalan sa pagka-senador sa ilalim ng Saligang Batas ng 1935 ay naganap noong taong 1947 at nagaganap ito sa loob ng 4 na taon. Huli itong naganap noong 1971, bago ideklara ang batas militar nang sumunod na taon (1972).

Muling naganap ang halalan sa pagka-senador noong 1987 sa ilalim ng bagong tatag na Saligang Batas. Matapos ang halalan sa pagka-pangulo noong 1992, muling naganap ang halalan sa pagka-senador noong 1995 at ginaganap tuwing 6 na taon.

 

The plenary hall (top) and the façade (bottom) of the Senate of the Philippines.


 
 
 

Comentários


©2019 by Fact on Track. Proudly created with Wix.com

bottom of page