State of the Nation Address in the Philippines
- Ferrer MV
- Jul 23, 2019
- 3 min read
Kahapon ay idinaos ang ika-apat na State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ngunit ang kaganapang ito ay nagsimula na ng lagpas alas-5 ng hapon sa halip na alas-4 ng hapon, katulad ng nakagawian. Ayon sa Malacañang, hinintay nilang tumila ang ulan bago sila bumiyahe papuntang Batasang Pambansa, sakay ng helicopter. Ilan sa mga naging paksa ng kanyang talumpati ay ang "Build, Build, Build" project, giyera kontra droga, at ang kanyang panig tungkol sa agawan ng teriotryo sa West Philippine Sea.
Ang State of the Nation Address (SONA) ay ang taunang pag-uulat ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas sa taumbayan. Ito ay ginaganap tuwing ika-apat na Lunes ng Hulyo pagpatak ng alas-4 ng hapon. Inihahayag ng Pangulo ang mga nagawang proyekto at mga gagawin pang mga plano ng administrasyon, pati na rin ang mga proyektong kasalukuyan pang ginagawa. Ito rin ay ginaganap kasabay ng pagbubukas ng panibagong Kongreso sa lehislatura.
Ang unang SONA ay ginanap sa Legislative Building (ngayo'y gusali na ng National Museum mula pa noong 1998) sa Maynila sa panunungkulan ni Pangulong Manuel Quezon noong ika-16 ng Hunyo, 1936, sa ilalim ng pamahalaang Komonwelt, sa bisa ng Batas Komonwelt blg. 17. Ngunit sa bisa naman ng Batas Komonwelt blg. 49 noong 1937, inilipat ang kaganapang ito sa petsang Oktubre 16. Ngunit nataong ito ay araw ng Sabado, kaya naman itinapat nila ito sa petsang Oktubre 18, araw ng Lunes. Muling nilipat ng petsa noong 1938 at isinunod sa nakasaad sa Saligang Batas ng 1935, na tuwing ika-apat na Lunes ng Enero. Ang huling SONA ni Pangulong Quezon ay naganap noong ika-31 ng Enero, 1941, halos isang taon bago magsimula ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Si Pangulong Sergio Osmeña naman ay nagdaos naman ng kanyang una at huling SONA noong ika-9 ng Hunyo, 1945, sa isang gusali sa Kalye Lepanto sa Maynila (na pansamantalang tanggapan ng mga mambabatas). Ibinida niya sa kanyang SONA ang mga nagawa ng pamahalaang Komonwelt sa loob ng tatlong taon habang nasa "government-in-exile" sa Estados Unidos.
Sa panunungkulan naman ni Pangulong Manuel Roxas naganap ang huling SONA sa ilalim ng pamahalaang Komonwelt noong ika-3 ng Hunyo, 1946. Noong ika-27 ng Enero, 1947, idinaos ang unang SONA sa bagong tatag na Ikatlong Republika.
Muling ginanap ang SONA sa Legislative Building noong 1949 matapos ang Ikalawang Digmaang Digmaang Pandaigdig. Si Elpidio Quirino ang kaisa-isang pangulong hindi personal na nagtalumpati sa harap ng mga delegado sa kanyang SONA. Siya ay nagtalumpati mula sa Johns Hopkins Hospital sa Baltimore, Maryland sa Estados Unidos habang nagpapagamot noong ika-23 ng Enero, 1950.
Noong 1972, hindi itinapat sa ika-apat na Lunes ng Enero ang SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos. Mula 1973 hanggang 1977, ang SONA ni Pangulong Marcos ay isinasapit sa ika-21 ng Setyembre - petsa ng pagpapatupad ng Batas Militar. Sa mga panahong iyon ginaganap ang kanyang SONA sa Palasyo ng Malacañang o sa Luneta (Rizal Park), maliban noong 1976, na idinaos naman sa pagbubukas ng Batasang Bayan sa Philippine International Convention Center (PICC). Isinabay rin sa pagbubukas ng Interim Batasang Pambansa ang SONA ni Pangulong Marcos noong 1978.
Mula sa Saligang Batas ng 1973 hanggang sa Saligang Batas ng 1987, inilipat ang petsa ng SONA ng Pangulo sa ika-apat ng Hulyo. Nagsimula itong idaos noong 1979. Noong 1983 naman, isinabay sa ikalawang anibersaryo ng pag-alis ng Batas Militar ang SONA ni Pangulong Marcos.
Sa pag-upo ni Pangulong Corazon Aquino noong 1986, walang idinaos na SONA matapos ang People Power Revolution. Ang kanyang unang SONA ay ginanap noong ika-27 ng Hulyo, 1987, sa Plenary Hall ng Batasang Pambansa (kung saan rin ginaganap, hanggang sa kasalukuyan, ang mga SONA ng mga sumunod na pangulo).
Wala namang pormal na idinaos na SONA sa mga panahon nina Pangulong Emilio Aguinaldo at Jose P. Laurel.

Comments